Wednesday, December 19, 2012

First and Forever

Ngayon ang isa sa mga araw na hindi ko malilmutan sa tanan ng buhay ko. Sa ganitong araw, tatlong taon na ang nakalipas ay umiiyak ako sa loob ng isang classroom sa U.P. Baguio. Ibinabalita ko sa nanay ko na magkakaanak na 'ko. Hindi ito isang pa-macho-sensitive na post subalit isang paggunita sa isang pangyayaring bumago sa paginting ko sa mga bagay-bagay. Kasama ko ang mga Brods ko sa Frat noong umiiyak ako at todo tulo ang luha at sipon ko. It was not pretty, it was down right ugly.

Araw na naman ng annual Pasiklaban sa U.P. Baguio ngayon. Isa itong tradisyon kung saan nagtitipon ang mga mag-aaral, mga guro at propesor, mga janitors, guards, admin officers, maintenance at ang buong komunidad ng Unibersidad. Para kasi itong malaking Christmas Party kung saan imbitado ang lahat, maging ang mga hindi nag-aral sa U.P. Masaya rin ang mga alumni dahil nagugunita nila ang mga unang araw nila sa Unibersidad, lalo na ang kanilang unang Pasiklaban at ang panahon kung saan wala pang main gates at maayos na mga grounds kung saan pwedeng tumambay.

Masaya raw ang Pasiklaban noong mga unang taon nito. Walang bawal sa kampus, alak, sigarilyo, weeds at kung anu-ano pa. Liberal at wala pang restrictions. Ang kwento ng ibang nakatatanda ay nagbabaklas pa raw sila ng mga lumang bangko para gawing panggatong sa kani-kanilang bonfire. Kontra lamig nga naman dahil sa halos 10 degree na lamig na inaabot nila noon. Balot na balot sila at masayang nag-iinuman habang nakapalibot sa apoy. Maraming "firsts" raw sa mga selebrasyon noon. First and forever.

Noong pumasok naman ako ng U.P., una kong naranasan ang Pasiklaban noong pumasok ako ng Frat. Bagong pasok ako noon at nag-inom kami sa may pond area na kinalaunan ay nalaman kong nirerestore rin ng Frat na pinasukan ko. Masaya, una kong naranasan makapanood ng fireworks display up close and personal. Kasama rin ako sa road trip papuntang Bulacan para bumili ng mga paputok, may mga libre pang kwitis at iba pa dahil sa inabot ng mahigit 20,000 ang binili namin. Masaya, walang tulog at konting kain lang pero masaya. Simple lang kasi, kaunti lang kami noon. Pinapangarap kong makapagsindi rin ng kahon-kahong fireworks, gamit ang sariling lighter at nakasuot ng colors ng Frat. First and forever.

Balik ako sa umpisa ng kwento ko. Pasiklaban noon, umiiyak ako at muntik kong mapunasan ng uhog ko ang mga kahon-kahon ng fireworks na binili namin para sa gabing iyon. Pangatlong Pasiklaban ko na iyon, medyo matagal na rin ako sa Frat at bago sa prospect ng pagkakaroon ng anak. Todo ang iyakan. Tapik sa balikat at himas sa likod ang ginawa ng mga Brods ko at ang mga salita ng paalala. Bago pala kami umamin sa pamilya ng nobya ko ay Brod ko ang naghatid sa akin sa meeting place. Sya rin ang nagtabi ng tatlong hikaw ko dahil baka nga mawala pag nalasog ang katawan ko sa bugbog. Hindi ako nabugbog pero nawala ang mga hikaw. Tinatawanan nalang namin ang panahong yun dahil nasa lalamunan ko na ang betlog ko sa takot. First and forever.

Pangatlong selebrasyon ko na pero hindi pa rin ako nagsasawa noon. Ngayon, sana makahabol ako. Isinusulat ko to habang nasa trabaho at naghihintay ng "go signal" para makaalis na at mabisita ang anak ko. Manonood kami ng mga performances sa Pasiklaban, tatakbo sya uli sa grounds at magpapakilig sa mga chicks sa school. Kukurutin na naman ang pisngi nyang mala-mansanas sa pula at magsusungit sya. Mana sa ama. Ako naman ay mangungumusta sa mga dati kong naging propser at guro. Magtatawanan kami at magpapalitan ng kwento. Papansinin nila sigurado ang gupit ko at ang mga bilbil ko sa tyan at leeg. Medyo maooffend ako pero matutuwa dahil napansin nila ang pagtaba ko. First and forever.

Ang isa sa mga pinakaaabangan ko tuwing taon ang panahong ito dahil kahit magastos ang pagpapa-fireworks, masaya pa rin. Mukhang magkakaroon na ng huling yugto ang fireworks display tradition namin dahil sa iba't-ibang dahilan, lalo na ang environmental concerns at ang pag-funnel ng funds into "more socially significant events." Bullshit ang tawag ko doon. Simula kasi ng maging mag-aaral ako sa Unibersidad ay namulat na ko sa fireworks display. Hindi kumpleto ang Pasiklaban kung wala nito, tulad na rin ng pag nawala ang bonfire sa likod ni Oble at maging ang mga performances ng mga guro mula sa iba't-ibang departamento at kolehiyo. Kulang ang Pasiklaban kung hindi lumiliwanag ang madilim na langit kahit na mayroong mga lanterns at mga Christmas lights sa palibot ng kampus. Kulang ang Pasiklaban kung hindi mangangawit ang leeg mo sa kakatitig sa mga nagpuputukang bituin at dyamante sa langit. Kulang ang Pasiklaban kung walang mga "woooow" at "Ang ganda, Daddy/Mommy!" ng mga batang dinadala ng mga magulang sa grounds ng U.P. Baguio. Kulang ang Pasiklaban kung hindi mo maaamoy ang sariwang pulbura pagkatapos nito. First and Forever ito para sa maraming tao. At makikita mo ito mula sa ibang lugar ng maliit at nagsisiksikang siyudad ng Baguio.

Oo nga, maraming pwedeng gawing proyekto sa 20,000 mahigit na mga paputok. Pero ang saya ng alaala ng mga taong nakakapanood nito ay higit sa isang malaking "socially significant" na proyekto na kahit ang mga pulitiko ng bayan ay madalang nagagawa. Para sa mga aattend pa lang ng Pasiklaban, welcome and let's get hammered. Sa mga bumabalik-balik sa U.P. Baguio sa ganitong panahon bawat taon, ipagpatuloy nyo yan. At sa mga makakapunta mamaya sa grounds, takits na lang. Please alukin nyo ko ng alak kung meron. Manipis lang ang jacket na dala ko. Sana'y marami pa tayong First and forever moments sa U.P. Baguio.

Sana makaabot ako sa fireworks display. Hindi man ako magsisindi ngayong taon dahil alumnus na ako ay masaya pa ring panoorin ang mga mukha ng mga taong nakatutok sa bawat pagsabog ng liwanag sa gabi. Shet, poetic. Di nga, excited ako, first time ko to bilang isa sa mga maraming nagtapos sa Unibersidad. First and forever ulit.

4 comments:

  1. Ayos tong event na ito, sayang nahuli na ako ng pagbasa pero balang araw gusto kong masaksihan sa personal ang Pasiklaban at sana sa may fireworks parin noon, at tama ka ser hindi mabibili ng kahit anong halaga ang naiibibigay ng panunod ng fireworks display....nakakabalik pagkabata!

    ReplyDelete
  2. Glad to see you again, tsong! Sayang lang hindi ka nakasunod. Nakapag-usap sana tayo tungkol sa future projects nang face-to-face, hindi na sa Twitter. Haha.

    ReplyDelete
  3. sana maabutan mo ang fireworks display :) first and forever. iskolar ng bayan.

    ReplyDelete
  4. buo ang pag intindi ko sa mga halohalong pakiramdam sa entry nato. hay.

    ReplyDelete