Tuesday, September 25, 2012

Backpacker

"Ansaya saya ng mga kaibigan ko sa mga pictures na pinopost nila. Siyempre 'di na uso ang mga post cards kahit may mangilan-ngilan paring nagbibigay nun (dagdag pang-inggit kasi.) Ansasaya ng mga ngiti nila, 'yung iba silaw pa sa pictures at balot na balot sa jackets. At hanep din sa background: Golden Gate Bridge, Pyramids, 'yung museum sa Da Vinci Code, Eiffel Tower, Marina Bay, Mount Pulag, Sagada Caves, meron ding nakaabot sa backpacking trail ng isang bundok sa Nepal (sorry at hindi ko na maalala 'yung pangalan.)

Ako naman, syempre, bilang isang mabuting kaibigan eh panay ang kulit sa mga prens ko para pasalubungan ako. Pag-uwi nila eh nagpapakwento ako, tapos magpapalibre na rin para kumpleto. Minsan over coffee, minsan over beer pero madalas over dinner or lunch. Grabe, 'di ko magets kung pano nila naisisiksik 'yung travels nila sa schedules nila. Ang hectic isipin pero pag-uwi nila kahit nog-nog at negra sila minsan eh parang punung-puno sila sa mga istorya. Renewed, kumbaga. Parang uminom sa fountain of youth at nagpa-all day spa. Glowing pa nga kung minsan.

Masaya ako para sa mga frends ko na yun, at least sila yung nakakakita ng mga lugar na hindi ko pa napupuntahan. At nakikita ko rin naman kasi sikat sa feed ko yung posts nila. Nakakatuwang isipin kasi yung mga kaibigan ko e nagtitiyaga ring patulan ang trip ko sa mga pasalubong. Magastos pero di nila kinakalimutan, siguro kasi dahil hanggang dun lang ang magagawa nila kasi 'di nila ko masasama sa mga lakad nila. Mahirap nga namang maghatak ng wheelchair paakyat ng Hindu Kush at magpigil ng gulong nito sa Great Wall. 

Eto, si Bong, kakagaling ng Vietnam. Inuwian ako ng commemorative lighter na parang sa mga Marines noon. May engraving pa ng lugar, parang "thrang" "trang" 'yung isang word. Hanggang ngayon gumagana pa kaso 'di ko naman magamit kasi 'di ako nagyoyosi. Pang-display ko lang para mukhang badass.

Si Inggo naman, binigyan ako ng shirt galing Macau. Sabi ko sakanya kahit poker chips nalang san tutal casino naman ang sinadya nya nun. Ubos daw ang pera nya, at baka maban pa sya sa casino kung mahuli syang pipitik ng chips. Malaki pa 'yung shirt, ginawa ko nalang quilt kasama nung ibang XXL na mga pasalubong shirts galing Thailand, Malaysia, Los Angeles at iba pa. Komportable yung quilt na yun, isinabit ko nalang sa pader para cool tignan (well, hindi naman ako ang nagsabit talaga kasi nga nakawheelchair ako.)

Yung balabal with tribal patterns and colors, galing kay Noreen. Nabili nya 'yun mula Cambodia. Shet, ang ganda. Di ko lang maisuot kasi ang init dito sa Pinas. Putik, ayun, ipinasabit ko nalang uli sa pader sa bahay namin.

Yung utol ko namang si May, pinasalubungan ako ng relo galing Tate. Though hindi talaga sya pasalubong kasi pinabili ko, nilibre nya nalang ako. Bait ng bunso namin. Tag Heuer pa! Naks! Automatic, kaso natatakot ako baka malapit na syang hindi gumana. Forever ko na halos suot, matagal nya rin atang pinag-ipunan yun sa pagiging web designer sa bayan ng dayuhan.

Eto, post card collection galing France. Pinapadalhan ako every occasion sa pamilya ng classmate ko nung college. Tatlo na ang anak ni Boy, Pinay din ang napangasawa. Parang burgis kasi pa-wine wine nalang. Namimiss ko na 'yung mokong na 'yun. Lahat sila namimiss ko na.

Ah, eto yung beer stein na pasalubong sakin ni Nora. Nag-aral kasi sya dun para sa Master's Degree nya. Ang dami naman palang laman nito! Isang beses ko lang ginamit kasi nakakatakot mabasag. Parang porcelain sya tapos bakal 'yung cover. Ang cool kasi may valkyrie designs pa. Oo nga pala, matagal ko nang hindi nakakainuman 'yung si Nora. Matagal na panahon na.

Kaya siguro sila mahilig magpsalubong sakin kasi makulit lang talaga ako, o baka rin dahil sa mahilig ako magkwento sa mga lakbayin nila sa ibang taong kilala ko rin. Para akong unofficial promoter ng mga travels nila. Natutuwa din naman sila kasi ako 'yung bookkeeper ng trips at experiences nila sa ibang lugar. Benta ako sa kanila eh. Yun na lang. Yun na lang. Kaso wala na kong kekwentuhan.

Dibale, malapit na rin ang get together namin. At least marami akong kekwentuhan pagdating ko dun. Kaso baka mainip sa'kin kasi mahirap nga naman magpaandar ng wheelchair papunta kung saan sila naroroon. Ako naman ang magpapasalubong sa kanila ng mga kwentong di na nila inabutan. Ako naman ang bibiyahe."


...

No comments:

Post a Comment