Minsan ang kalaban ng peryodista ay ang deadline, para sa manunulat naman ay ang kawalan ng sanib upang makapagsulat. Sa paglalakbay nya para sa paghahanap ng maisusulat ay nagagawa nya ang iba o karamihan sa mga nakalista.
Ang galing ng pagkakabuo ng simpleng artikulo at sigurado akong marami ang makakarelate dito. Kaya kudos kay Ms. Aina Buenaobra. Di ako magtataka kung mababasa ko ang mga sulat mo sa mga dyaryo o iba pang limbagin dito sa bansa at sa kabuuan ng pagkalawak-lawak na internet.
Bisitahin ang kanyang blog sa Nature.Ethnicity.Women.
Sa kanyang pahintulot ay ipinapaskil ko sa aking blog ang kanyang isinulat.
Sanib (n.), more common term—writer’s inspiration
“Huwag mo ng antayin ang sanib. Journalist ka. Hindi ka aabot sa deadline mo kung aasa ka sa sanib.”Iyan ang isa sa pinakahindi ko malilimutang linya ni Sir Abner Mercado sa aming klase noon. Sinabi niya ito upang ipaalala sa amin na kaakibat ng pagiging peryodista o mamamahayag ang deadlines. Maliwanag naman sa akin ang aral na ito, ngunit ang masaklap ay ang identity crisis ng pagiging peryodista at pagiging manunulat.
Kung ikaw ay 50% journalist at 50% writer, malaki ang magiging problema mo. Karaniwan kasi ng may 50-50 na kalagayan ay nangangailangan muna ng sanib bago sila makasulat. Ilan sa mga problema ng pagsusulat ng walang sanib ay ang mga sumusunod:
- Johny Pa-deep. Hango mula sa pangalan ng sikat na artistang si Johny Depp. Una sa mga problema ng may 50-50 ay ang tunog Johny Pa-deep. Nais ng bawat manunulat na magkalaman at lumalim ang kaniyang artikulo. Ngunit asahan mong kapag walang “sanib,”imbes na matalinhaga, pa-deep ang kalalabasan ng artikulo. Trying hard kumbaga dahil nag-try naman ng hard ang manunulat upang matapos ang artikulo kahit walang sanib.
- Happy New Year! Bakit happy new year? Dahil sabog! Sabog na sabog ang article na isinusulat mo. May mga pagkakataon na sabog dahil ang dami mong magagandang ideya at isinusulat mo lahat iyon. Ang problema, hindi mo sila mapagtugma-tugma o kayang buuin bilang isa. Sabog din kung isip ka ng isip pero wala kang maisip kaya nag-free writing ka na lang. Yung nasulat mo, malayo sa tema ng artikulo na dapat mong tapusin.
- The researcher. Wala ka namang gagawing thesis o research paper pero hala! Sige! Maghapon ka sa library, basa ng basa ng kung anu-ano. O di kaya maghapon kang online nagtitingin-tingin ng kung anu-ano ulit. Bakit ka nagpapaka-researcher? Simple lang. Dahil umaasa kang magiging inspirasyon mo ang isa sa random books orandom posts sa internet. Umaasa kang sa pamamagitan ng anumang makikita mo, ikaw ay magkakasanib. Umasa ka lang at walang nangyari.
- The wanderer. Parang The researcher din pero imbes na pagbabasa, paggala naman ang ginagawa mo upang makahanap o makakita ng mga bagay, tao, lugar, o hayop na magbibigay ng sanib sa iyo. Palakad-lakad ka lang sa kalsada, sa parkeng malapit sa bahay niyo, sa mall, sa ecotrail, sa banchetto, at kung saan-saan pa. Kakalakad mo, nakalimutan mo ng magsusulat ka nga pala. Fail!
- Combo. Combo, ibig sabihin, kailangan mo ng kombinasyon ng The researcher at The wanderer para magkasanib. Lalo ng nagkaloko-loko! Siguradong hindi ka na makakapagsulat kapag ganito.
- The Script. Bakit The Script? Kasi “Nothing.” Dahil wala kang sanib at hindi tumalab ang sanib-invoking activities na ginawa mo—you finished NOTHING. Kawawa ka naman.
Pero ‘wag kang malungkot. Ganyan talaga ang buhay. Minsan nga yung sanib mo talbog pa yung kay Emily Rose eh! Darating din ang sanib mo. Magdasal ka lang na dumating ‘yon bago ang itinakdang deadline kundi siguradong exorcised ang kahahantungan mo.