Tuesday, August 14, 2012

sa ilalim ng overpass


from tomclarkblog.blogspot

Tangina. Sabi ng Reklamador.

Putanginang gobyerno talaga. Dagdag pa niya.

Stranded ang Reklamador sa ilalim ng over pass sa may kalagitnaan ng Caloocan.
Putangina talaga! Huling hirit niya. Pinagmamasdan niya ang bahang umaanod sa mga plastic bags, sirang bayong, malambot na kahoy at punit na tsinelas sa kalsada. Ang dating kongkretong kalsada ay nagmistulang ilog na rumaragasa pababa sa daluyan na magkakasal sa kanila ng dagat.

Kining-ina naman kasi. Ang simple simple lang ng gagawin nila. Mangolekta ng taxes, gumawa ng proyektong at makakatulong sa publiko, tangina naman kasi inuuna ang bulsa at kung ano. Ani ng Reklamador.

Hindi nga naman masisisi kung ganito na lang ang hinagpis ng tao sa mga nangyayari sa paligid.  Walang pumaparang bus o dyip sa harap niya. Pano ba naman, abot alulod na ang tubig baha. Nasa bangketa pa siya, may payong nga pero andami namang dala. Basa rin. May kasabay siyang tatlo pang tao sa ilalim ng tumatagaktak na overpass.

Hindi naman din kasi ganoon kadali ang ginagawa ng gobyerno. Pwede sana yang sinasabi mo pero hindi naman lahat ng tao eh tapat at sing tuwid ng palaso. Pucha, kahit ako naman siguro matutuksong pumitik ng isang kendi mula sa garapon sa malaking tindahan kung buong araw ko lang ‘yun pinagmamasdan. Sabi ng isang kasabay niya.

Lumingon ang Reklamador. Puta, may tuta pa akong kasabay. Malas nga naman, basang basa ka na, stranded tapos may malapit pang asong malansa pa. Malas lang. Hirit ng Reklamador.

Hindi marinig ang mga sinabi niya. Patuloy kasi ang buhos ng ulan. Basa ang lahat ng bagay, kahit ang lighter niya hirap sumindi sa pagkabasa ng hangin. May mga dumaraan pa namang mga sasakyan, wala nga lang humihinto sa ilalim ng overpass kung saan sila naghihintay. Naiinip na rin ang mga kasama niya. Nagrereklamo na rin, nagdarasal siguro pero mas malamang eh reklamo ang pinapaabot ng mga ito na sa langit nila pinapatungo.
Hindi naman kasi sana ganito rin ang lagay ng kalsada. Sabi ng isa, malamang Repormista naman ‘to.

Aniya, hindi naman magbabaha kung hindi tayo nagtatapon ng basura kung saan. Mas naiinis tayo sa baha, sa kalat at dumi, sa panghi ng mga kalsada at sakayan ng mga sasakyan at sa trapik na habangbuhay nang kasalanan ng mga sasakyang pinapatakbo ng mga walang modong drayber. Tayo rin ang gumagawa ng ikagagalit at ikaiinis natin. Putangina tayo, hindi lang sila. Putangina tayong lahat.”

Nagmabagal ang isang bus malapit sa kanila, hindi nila byahe kaya walang sumakay. Isa pa, hindi rin naman sila hinintay at tinignan kung sasakay, tinignan lang ng konduktor at ng drayber ang apat na basang sisiw sa ilalim ng overpass.

Mga gago. Hindi man lang maawa sa pasahero. Mga ulol! Titingin tingin pa eh hindi rin naman papara.

Hindi naman siya sasakay dahil hindi niya byahe yun pero sa lakas ng ulan, dagsa ng baha at sa basang pakiramdam, desperado na lang siyang makauwi sa bahay para makatulog na.

Pero tangina naman kasi talaga! Sana nasa bahay na ko kundi dito sa pesteng bahang ‘to.

Naiisip niya ang sarap ng mainit na sabaw, kahit noodles lang pwede na. Kahit kape lang okay na. Kahit tuyo nga lang at bahaw eh solb na. Lumalakas pa ang ulan, halos gumagawa ng imahe ang bawat bugso ng tubig at pilantik ng hangin. Nagmumukhang mga hamog na anino ang kahit anong tamaan ng ulan. Kahit ang salamin ng babaeng kasabay niya sa ilalim ng overpass eh may mga talsik na ng tubig. Dumadaan pa ang mga sasakyan pero wala paring pumapara.

Patuloy ang ulan, humahampas pa yung hangin sa bubong at pader ng mga bahay sa palibot ng overpass na payong nila. Ang ginaw na. Wala pang kasiguruhan na makakasakay pa sila. Wala, pana- panahon. Malas lang talaga. Malas lang sa ulan, malas lang sa baha, malas lang sa mga kasabay na walang pakialam sa lagay ng bayan, malas lang sa gobyernong walang alam dahil kampante sila sa mga malalaki nilang mga bahay na kahit kelan ay hindi inaabot ng baha o nabubutasan ng kisame.

Hindi naman sila nagkukusot ng mga putikang damit dahil inabot ang bahay nila, hindi naman sila naii-stranded sa mga bangketa dahil may mga malalaking sasakyan silang panlusob sa baha. Saan ba sila dumadaan na may baha? Wala naman ata. Masarap ang buhay sa loob ng mga malalaki nilang mga subdivision at mga nag gagandahang exclusive villages. Hindi pa nga siguro sila nakakaranas ng brownout dahil sa may generator din ang mga bahay nila. 

Peste. Malas. Badtrip.

Hinawi ng mga gulong ng isang paparating na bus ang tubig baha malapit sa ilalim ng overpass. Papalapit na, nagbaba ng pasahero sa bus stop malapit sa kanila. Wala kasing bubong yun kaya hindi sila dun tumambay para pumara ng sasakyan. Sakto. Biyahe niya ang bus na pumara.

Pinara nila ang bus, tumingin ang drayber at sumenyas sa konduktor. Alalayan ata sila o kung ano. Pilit nilang tumawid papunta sa mga hagdan ng bus. Tatlo sila, yung babaeng nakasalamin na naka pang opisinang damit, siyang Reklamador at yung Repormistang hindi niya naman naintindihan ang sinabi.

Naiwan yung isa sa ilalim ng overpass, hindi pa ata yun ang byaheng hinihintay niya.

No comments:

Post a Comment